Sunday, May 29, 2011

Bahay at Lupa (Pangalawang Salaysay)

Isang dapit hapon habang ako at ang aking ina ay namamasyal sa isang "mall" ay napahinto kami sa "chowking" tag-araw na noon at lubhang napakainit sa aming lugar, noong mga panahong iyon ay ang aming lungsod ang naitalang pinaka mainit sa buong Pilipinas ayon kay kris aquino na isang "host" sa kasagsagan ng kanyang "game show" na "game ka na ba".  Hinding hindi ko makakalimutan ang oras na iyon dahil isa yon sa mga bagay na hindi ko magawang ialis sa aking isipan magpa hanggang ngayon. Tinanong ako ng aking ina kung gusto kong kumain ng halo halo, napaisip ako bigla dahil sa pagkakaintindi ko ay wala naman kaming sobrang pera para ipambili ng halo halo, tinanung nya ako kung magkano ang isa nito at sinabi ko na mahal dahil noon ay mahal pa talaga iyon, sabi nya ay hati nalang daw kami sa isang maliit ngunit tumanggi ako.
Nabanaag ko sa mukha nya na gustong gusto nyang kumain nito, subalit sa kawalan na din siguro ng pera ay hindi nalang nya tinangkang bumili.

Ngunit matagal tagal na din ang pangyayaring ito, dahil ng ako'y magka trabaho ay palagi na kaming lumalabas
na kahit anung mahal ng pagkain ay hindi ako nag dadalawang isip na bilhin ito para sa kanya.

May lupa na nabili ang aking ama't ina sa may gawing tramo sa isang lugar doon na malapit sa isang eksklusibong sabdibisyon sa aming nayon, sa pagkakaalam ko ay mura lang nila itong nabili dahil noong mga panahon yon ay mura lang naman talaga ang lupa kaya nila ito sinamantala. Tinayuan nila ito ng isang sementong bahay ngunit para sa akin ay hindi pa ito maaring tawaging isang bahay, hindi pa kasi kumpleto dahilan na din sa kawalan ng salapi ay hindi ito natapos, balangkas palang, walang pinto at bintana at ang bubungan nito'y hiningi lamang namin sa isa kong tiya na may tindahan ng mga bagay na panggawa ng bahay.

Hindi kami dito tumira dahil na din sa hindi pa ito tapos at sa aking palagay ay hindi ko kayang makatagal sa kapaligiran ng bahay na ito. Madaming mga nagmumura, nagaaway at kung anu ano pa sa umaga at kahit papatapos na ang araw madami paring mga naglalasingan at mga nagsusuka sa kalsada, sa makatwid puro mga "squatters" ang mga nakatira dito. Ang bunsong kapatid ng aking ina ang kayang pinatao pansamantala upang may tumingin sa bahay at sa lupa namin.

Dumaan ang mahabang panahon at nawala na isa isa ang mga bagay na naroroon ang mga yero'y butas butas na at ang bahay ay animong binagyo sa kinalabasan ng itsura nito ngayon. Namatay ang aking tiyuhin noong nakaraang buwan kaya wala ng tumitingin sa lupa at bahay na ito sa ngayon. Hindi kami malapit sa isat isa ng aking tiyuhin kayat aaminin kong wala akong naramdamang kahit na anung lungkot ng sya'y mawala, ang mga ala ala ko lang ay puro's mga bagay na hindi magaganda dahil ito raw ay lasinggero at nananakit ng asawa kaya sya nito hiniwalayan, sa makatwid ay nabuhay sya ng napaka habang panahon ng nagiisa at walang umaaruga sa kanya.

Naalala ko ang palaging sinasabi ng aking ina sa twing hihiga sya sa matigas na papag at magpapahinga, nakatingin sya sa kisame at sasabihin nyang " kelan kaya tayo magkakakroon ng sariling bahay"
isang hiling mula sa isang matandang babae na may sakit at syang dahilan kung bakit ako nabuhay at nagkaroon ng ganitong klaseng pagiisip, isang matandang babaeng may sakit na alam kong nagdaan sa napaka hirap ng sitwasyon at nagawang pagtapusin ng pagaaral ang nauna kong dalawang kapatid, isang matandang babae na may sakit na syang nagbigay sa akin ng pagasa na mangarap para sa pamilya.

sa isang sulok ng aking mga pangarap ay hindi kailanman naglalaho ang aking pagasang makapagtapos ng pagaaral dahil alam ko sa sarili ko na ang edukasyon ang susi sa pagunlad at ang pagunlad ay hindi magiging posible kung hindi ka tatanaw sa iyong likuran at babalikan ang mga taong naging dahilan kung bakit ka naging matagumpay.

ginawa ko ang "100k for mom in 305 days" upang aking maibahagi sa lahat kung paano ko tutuparin ang hiling ng aking ina. at akin ding ipapaskil dito sa "blog" na ito ang mga larawan ng bahay na aking pagsisikapang mabuo upang sa gayon ay matuwa ang aking ina at sa pagkakataong iyon matapos ko itong matupad ay maari nakong makapagipon para naman sa aking edukasyon. Sa bawat pagtanggap ko ng aking sahod ay sya kong tabi sa bangko upang malaanan ko ang bahay na iyon at hindi mapunta ang pera sa bagay na hindi ko naman kailangan, dito ko din isasaad kung paano ko lalabanan ang tukso na bumili o piliin ang mga bagay na aking gusto laban sa mga bagay na aking kailangan at akin ding ibabahagi ang hirap ng paglalaan at pagtatabi ng salapi dahil kailangan ko paring padalhan ang aking ina bukod pa sa salaping kailangan kong itabi sa bangko.

Inuulit ko, hindi ako naghahangad na makapag ipon ng saktong isandaang libo dahil alam kong ito'y may kalayuan sa reyalidad, ngunit sana'y kahit man lang malapit lapit sa isandaang libo ay ayus na.

Nagpapasalamat ako sa iyong oras na mabasa ang "blog" kong ito. hanggang sa muli :-)

Magsisimula akong magipon sa darating na ika 15 ng Hunyo taong kasalukuyan at umaasa ako na sa pagtatapos ng "blog" na ito ay nariyan ka parin at hindi magsawang sumubaybay.

No comments:

Post a Comment